Pagod at Nakalilitong Post

Ika-10 araw ko na ito ng dire-diretsong pagtrarabaho sapagkat nagkataong may camping noong nakaraang weekend.  Ang dami ko pang mga bagay na hindi tapos. 3 deadline na ang hindi ko na-meet–isa sa MA, dalawa sa trabaho. At madalas kapag napapgod ka, may mga sandaling nakalilito  at nakalulungkot.

Nakalilito

Minsan sa tuwing ako’y may mga mungkahing tingin ko’y makabuluhan ngunit hindi nabibigyang pansin o natutupad, nalilito ako kung naaasar ba ako dahil hindi nasunod gusto ko o nalulungkot ako na ako lang ang nakakakita ng mga bagay na batid ko ay ang pinakaangkop sa sitwasyon.

Minsan nalilito rin ako kung bakit may mga pagkakataon na may mga bagay akong napapansin na mali ngunit tila wala ng ibang nakakapansin pa nito.

At sa pagpuna ko ng mga kamaliang ito, minsan nalilito ako kung ma-kontra lamang ako at negatibo o sadyang may pakialam sa mga kaganapan at positibo.

Minsan naman nalilito ako sa mga panahong nais kong manindigan sa tingin kong tama ngunit tila ako lang naman ang nakababatid nito kaya naman nagmumuka lamang akong masungit, mayabang at subersibo.

Nakalulungkot

Sa aking pagwika ng mga saloobin at mungkahi, nakalulungkot na minsan hindi  ito pinakikinggan at hinuhusgahan na agad na tila wala itong ibang kabuluhan kung hindi ang kumontra.

Minsan naman nakalulungkot na pinagtatawanan lang ang aking mga mungkahi na tila ba hindi ko ito pinagisipan at sadyang madaldal lamang ako.

Minsan rin nakalulungkot na hindi marunong makinig ang mga tao.

Minsan nakalulungkot rin na hindi nila napapansin ang aking pakikinig.

Minsan, sa mga binibitiwang salita ng mga tao, hindi ko na alam kung mayabang lang ako, emosyonal at hindi nag-iisip o tunay na ako ay may batid na tama.

At ang pinakamalungkot, minsan walang naglalakas loob manindigan at hamunin ang mga kamaliang nakagisnan

at madalas wala nang tutulong at magtuturo sa iyo sa  kung ano ang totoo.